Cherreads

Chapter 2 - NYXARA'S RETURN

Habang bumabagsak si Nyxara, may isang lalaking nakatayo sa ibaba—pulang-pula ang mga mata, may suot na kapa na puti't pula, at may simbolo ng itim na apoy sa kanyang dibdib. Ang kanyang mga pakpak ay itim na parang usok, ang mga sungay ay matutulis at pulang-pula. Matangkad siya, at may aurang hindi karaniwang tao.

Napatingala siya, kasama ang kanyang mga sundalo, nang biglang may bumagsak mula sa kalangitan.

"Kaaway!" sigaw ng isa sa mga sundalo, ngunit agad siyang pinigilan ng lalaki, taas-kamay, puno ng awtoridad.

"Huwag. Hindi siya kaaway," aniya sa malamig ngunit malinaw na tinig—tila ang mismong hangin ay yumuko upang ipalaganap ang kanyang boses.

Lumipad siya, mabilis at madulas, at sinalo ang bumabagsak na nilalang.

"Lord Satan!" sigaw ng mga sundalo, gulat ngunit puno ng paggalang.

"Princess Nyxara…?" bulong niya, habang unti-unting lumambot ang kanyang titig. May bahagyang ngiti sa kanyang labi, ngunit sa likod nito'y may lumbay.

"Nagbalik ka na, Majesty. Matagal ka naming hinintay."

Sa kanyang bisig, ang dalagang halos walang malay—at sa kanyang puso, may biglang bigat na hindi dahil sa takot, kundi isang damdaming matagal nang nakakubli.

---

Nagising si Zia—o Nyxara—sa isang silid na banyaga ngunit kakaibang pamilyar. Mararangyang kurtina, kristal na kisame na may ukit ng sumasayaw na apoy. Bawat detalye ng silid ay tila sumisigaw ng kapangyarihan at kasaysayan.

Napahawak siya sa dibdib—may kakaibang init doon. Parang… may kulang na bumalik. Umupo siya sa kama, at tuluyang sinapian ng kaba at pagkalito.

"Anong nangyari? Saan 'to? Bangungot ba 'to?" mahinang tanong niya, halos pabulong, pilit na sinisiyasat ang paligid.

Isang tinig ang pumukaw sa kanyang pag-iisa.

"Mukhang nalilito ka, Majesty."

Napalingon siya agad, nanlaki ang mga mata. "S-Sino ka?!"

Lumutang sa ere ang isang nilalang na mukhang pusa—lila ang balahibo, may pakpak at sungay, maliit at parang stuffed toy, ngunit may matatalinong mata.

"Hindi mo ba ako naaalala, Princess Nyxara?"

Nag-angat ng kilay si Zia, lumayo ng bahagya. "P-Princess? Anong pinagsasasabi mo? Ngayon lang kita nakita."

Bahagyang nalungkot ang nilalang, pero agad ding ngumiti. "Ah, oo nga pala… binura ng iyong ama—si Dakilang Haring Azazel—ang iyong alaala. Kaya hindi mo talaga ako matatandaan. Ako si Nyxie. Isang feline purple demon. Bininyagan mo ako ng pangalang 'yan noon."

"Demon?" bulong ni Zia, unti-unting nagiinit ang pakiramdam niya. "Ano 'to…?"

Bago pa siya muling makapagtanong, bumukas ang pinto. Isang babaeng matangkad at mala-diyosa ang pumasok. Itim ang bestida, may lilang detalye, at ang kanyang presensiya ay tila apoy na marahang lumalapit.

"Princess Nyxara," ani ng babae, may tuwang hindi maitatanggi sa boses. Tumakbo ito at niyakap si Zia.

"W-Wait! Huwag! Sino ka ba?!" Tuluyang napaatras si Zia, takot at gulat sa mga mata. "Layuan mo ako!"

"Siya si Miss Lysithea," sabat ni Nyxie. "Isa sa mga archdemon ng kaharian. Anak siya ng tagapag-alaga mo, Majesty. Isa siya sa mga nagbantay sa'yo noong bata ka pa."

"Arch…demon?" ulit ni Zia, unti-unting naguguluhan.

Ngumiti si Lysithea. "Kami ang mga tagapangalaga ng balanse sa Demon realm. Nagsisilbi kami sa royal family. At ikaw… ang aming prinsesa."

"Hindi ko kayo kilala. Hindi ko ito alam. At—at anong Demon realm?! Impiyerno ba 'to?!"

Tumawa si Lysithea nang marahan. "Ah, ang Impiyerno ay ibang lugar. Isa iyong kulungan. Ang Demon realm ay aming tahanan, ang pinagmulan mo. Ikaw si princess Nyxara, ang prinsesa ng lahat ng demon dito."

"Hindi... imposible. Ako si Zia. Tao ako. Hindi ako demon…"

Ngunit walang pag-aalinlangan ang mga mata nina Lysithea at Nyxie. May tiwala. May katiyakan.

Tahimik si Lysithea. Kinuha niya mula sa drawer ang isang kahon. Dahan-dahang binuksan ito. Nasa loob ang isang kwintas—may batong lila, kumikislap, tila may apoy na bumabalot dito.

"Ito ang Stone of Power," ani Lysithea. "Tanging ikaw lamang ang maaaring magsuot nito."

"A-Ayokong—!"

Ngunit bago pa siya makapalag, isinabit na ni Lysithea ang kwintas sa kanyang leeg.

Mainit. Kumislot ang kanyang puso—parang may kidlat na pumasok sa kanyang katawan.

Biglang sumiklab ng liwanag ang kwintas. Lumaganap ang lila't apoy. Binalot si Zia ng liwanag. Nakakita siya ng mga imahe—mga alaala.

Isang kahariang nakatago sa kailaliman ng mundo. Mga tore ng obsidian at kristal. Mga ilog ng asul na apoy. Isang Reyna't Hari. At isang batang prinsesa.

Siya.

At sa dulo ng mga alaala, nakita niya ang Reyna—luhaan, nakaluhod, niyayakap ang prinsesa.

"Patawarin mo kami, anak…"

At nilamon sila ng liwanag.

Biglang naglaho ang apoy. Naiwang nanginginig si Zia—ngayo'y hindi na sigurado kung sino siya.

"Hindi…" bulong niya. "P-Paano 'to posible…?"

Hawak ang kwintas, humigpit ang kanyang kamao. Kinakabahan. Gulong-gulo. Parang may pader sa isipan niyang unti-unting nababasag.

At biglang… yumanig ang lupa.

Isang sigaw mula sa labas ang yumanig sa buong palasyo. Malalim. Malupit. Isang nilalang ang dumating.

More Chapters